Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na tutugunan ng 2024 national budget ang pag-asa ng maraming Pilipino para sa mas mabuting bagong taon.
Tinutukoy ng senador ang resulta ng pulse asia survey na nagsasabing 92% ng mga Filipino adults ang umaasa ng mas magandang 2024.
Ayon kay Gatchalian, sa ilalim ng bagong budget ay mas maraming pondo na nakalaan para sa agrikultura.
Ibig sabihin, mas marami aniyang suportang aasahan ang mga magsasaka at mga mangingisda sa bansa.
Patuloy rin aniyang malaki ang share ng sektor ng edukasyon sa pambansang pondo.
Gayundin ang inaasahan ng mambabatas na patuloy na pagpapagawa ng mga imprastraktura, gaya ng mga railways at iba pang makakatulong na mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
Sinabi ng senador na kapag naipagpatuloy ang mga infrastructure projects na ito ay inaasahang magbubunga ito ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion