Hinimok ni Senadora Risa Hontiveros ang Department of Justice (DOJ) na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order laban kay Pastor Apollo Quiboloy gayundin ang pagsasagawa ng parallel investigation sa mga sinasabing alegasyon laban sa Kingdom of Jesus Christ.
Ayon kay Hontiveros, mainam na kasabay ng gagawing pag iimbestiga ng Senado ay maimbestigahan na rin ng DOJ ang mga alegasyon laban sa grupong pinamumunuan ni Quiboloy.
Ito lalo na aniya’t halos katulad ng mga alegasyon ng human rights violations ang ibinabato ngayon kay Quiboloy.
Sa pulong balitaan ngayong araw, prenesenta ni Hontiveros ang video ng dalawang nagpakilalang dating mga miyermbro ng Kingdom of Jesis Christ (KOJC) na nakaranas ng pang-aabuso at pangmamaltrato sa kamay ni Quiboloy.
Sa kwento ng isang alyas Jackson, ibinahagi nito kung paano pinaparusahan ang mga miyembro na hindi nakakakota ng kanilang ibinebentang produkto at sa kanilang pamamalimos.
Ikinuwento naman ni Arlene Stone, nagpakilalang dating pastoral ng KOJC, na 15 anyos siya nang ma-convert sa KOJC at namalimos sa Amoranto sa Quezon City mula sa Davao at pinagtitinda rin ng puto at kutsinta.
Bukod dito may mga alegasyon rin ng sexual abuse laban sa lider ng KOJC.
Iginiit ng senadora na kung mapatutunayan ang mga alegasyon, ay dapat managot si Quiboloy sa paglabag sa iba’t ibang kaso.| ulat ni Nimfa Asuncion