Inamin ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones chairman Francis Tolentino na nangangamba siya sa posibleng maging tugon ng China sa gagawing Christmas convoy ng isang civilian group patungong BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa susunod na linggo.
Ayon kay Tolentino, bahagi ito ng naging pag-uusap nila ngayong araw nina foreign affairs Secretary Enrique Manalo at Philippine Ambassador to China Jaime Florcruz.
Sa naturang pagpupulong, pinahayag aniya ng senador na dapat maging handa ang ating bansa sa anumang mangyayari sa December 11.
Posible kasi aniyang mas higit pa sa harassment ang gawin ng China, bilang nagawa na nila ang paggamit ng laser beam, at water cannon sa sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy.
Mas ikinakapangamba ngayon ng senador na maliliit at sibilyang mga bangka ang makikiisa sa Christmas convoy kaya dapat maging handa.
Gayunpaman, naputol lang ang pag-uusap nila dahil sa lindol na naranasan ng Metro Manila kaninang hapon.
Nakatakda nang bumalik ng China si Ambassador Florcruz sa linggo.
Sinabi ni Tolentino na nagpunta lang dito sa Pilipinas ang ambassador para sa konsultasyon sa DFA Manila.| ulat ni Nimfa Asuncion