Hinikayat ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang lahat na maging mahinahon at tiyaking tama ang impormasyong paniniwalaan sa nangyaring bombing incident sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City nitong Linggo.
Sa isang privilege speech ngayong araw, ipinahayag ni Legarda ang kanyang suporta sa mga aksyong ginagawa ng Bangsamoro government lalo na sa pagbibigay ng agarang pagresponde at pagtulong sa mga biktima ng insidente.
Ipinunto ng senadora na sa ngayon ay nakikipagtulungan na ang mga local security forces sa MSU main campus at inatasan na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang PNP at AFP na mahigpit na makipagtulungan sa local law enforcement agencies para sa mabilis na imbestigasyon sa insidente.
Binigyang diin rin ng mambabatas ang UN declaration on the rights of peoples to peace na nagproprokelama ng karapatan ng mga tao sa mundo sa kapayapaan.
Kinondena na rin aniya ng United Imams of the Philippines ang naturang insidente at pinaalala na sa Islam, ang pinahihintulutan lang na giyera ay sa pagitan ng mga armies o mga hukbo.
Sa huli muling ipinahayag ng senadora ang pakikiramay sa mga naging biktima ng bombing incident na ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion