Naghain si Senate Majority Leader Joel Villanueva ng isang resolusyon na layong alamin ang kahandaan ng bansa na matukoy at ma-contain ang respiratory illness na kumakalat ngayon sa China at iba pang mga bansa.
Sa Senate Resolution 874, nais ni Villanueva na silipin ng kaukulang komite ng Senado ang kakayahan ng healthcare system ng Pilipinas na harapin ang posibleng pagtaas ng kaso o outbreak ng mga respiratory illness.
Ipinunto ng Majority leader na kailangang paigtingin ng Department of Health(DOH) at iba pang concerned agencies ang minimum public health standard at safety protocol para matugunan ang tumataas na bilang ng mga kaso ng respiratory illness sa bansa.
Kailangan rin aniyang tiyakin na mayroong sapat na suplay ng mga gamot at personal protective equipment (PPEs).
Binigyang-diin ni Villanueva ang pangangailangang palakasin ang public information, education, at communication programs tungkol sa mga nakahahawang respiratory illness.
Kabilang rin aniya sa mga dapat aniyang gawin ang vaccination drive laban sa influenza, COVID-19, pneumonia, at iba pang mga sakit. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion