Senate President Juan Miguel Zubiri, walang alam tungkol sa sinasabing information leak hinggil sa travel budget ng House Speaker

Facebook
Twitter
LinkedIn

Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na wala siyang alam tungkol sa sinasabing pag-leak ng impormasyon na may kaugnayan sa travel budget ni House Speaker Martin Romualdez.

Tinutukoy ni Zubiri ang naging pahayag ni SMNI anchor Jeffrey Celis sa pagdinig ng Kamara na ang impormasyon niyang gumastos si Romualdez ng P1.8-billion sa mga byahe nito ay galing sa isang empleyado ng Senado.

Sinabi ng Senate president na hangga’t walang pinapangalanang Senate employee ang nagsiwalat ng impormasyong ito ay wala aniyang rason para paniwalaang totoo ang mga alegasyong ito.

Layon lang aniya nitong mang-intriga, gumawa ng kontrobersiya at fake news.

Binigyang diin ni Zubiri na nirerespeto nila ang interparliamentary courtesy at hindi nila nais na guluhin ang matatag na partnership ng mga miyembro ng Senado at Kamara.

Kasabay nito ay hinikayat ng senador ang kamara na ipagpatuloy lang ang kanilang imbestigasyon sa SMNI at pilitin ang concerned resource person na ibunyag ang sinasabi niyang source mula sa Senado.

Kung hindi aniya ay maaaring ipa-cite in contempt ito ng Kamara.

Tiniyak naman ni Zubiri na papatawan nila ng karampatang parusa kung mapapatunayang may sangkot ngang Senate employee. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us