Patuloy na tinatangkilik ng ating mga kababayan ang pagsasagawa ng tradisyunal na Misa de Gallo o Simbang Gabi sa loob ng Malacañang.
Sa ikalawang araw ng Simbang Gabi, marami ang dumalo sa misa ngayong Linggo sa may harap ng Mabini Hall sa loob ng Malacañang compound.
Laman ng homily ng presiding priest ang pagpapalalim ng pananampalataya at paano ang simbang gabi ay naging isang magandang asal at pamana na ito ng ating mga ninuno.
Tinatawagan din umano tayo na maging masaya hindi lamang sa araw na ito kung hindi sa araw-araw.
Matapos ang misa, namahagi ng libreng puto bumbong, bibingka, at inumin ang Office of the President para sa mga dumalo ng Simbang Gabi.
Inaasahang mas marami pa ang lalahok sa misa sa mga susunod na araw, na nagsisimula ng alas-4:30 ng madaling-araw sa harap ng Mabini Hall.
Ang mga nais dumalo ay maaaring pumasok sa Gate 7, na nasa harap ng Mabini Hall.
May pailaw at Christmas tree din na makikita ang mga bibisita sa ginaganap na misa de gallo sa Palasyo ng Malacañang. | ulat ni EJ Lazaro