Nakatakdang magpulong ngayong araw ang Regional Peace and Order Council sa National Capital Region (NCR).
Ito’y para talakayin ang lagay ng seguridad, kapayapaan at kaayusan sa Kalakhang Maynila na ngayo’y nasa ilalim ng Heightened Alert ng Pulisya kasunod ng nangyaring pag-atake sa Marawi City nitong weekend.
Ayon kay Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, maliban sa mga Pulis ay naka-alerto na rin ang iba’t ibang Lokal na Pamahalaan sa NCR.
Binigyang-diin pa ni Zamora na mahalaga ang ugnayan sa pagitan ng LGU, Pulis, at ng publiko upang mabilis na maaksyunan ang mga krimen gayundin ang mga tangkang terorismo.
Una nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na anim na lugar sa Metro Manila na pawang mga tanggapan ng pamahalaan ang nakatanggap ng bomb threat mula sa isang nagpakilalang abogado mula sa Japan na kalauna’y hindi pala totoo.
Kaya naman inilunsad din kahapon sa San Juan City ang pilot launching ng eReport app at iReport system ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at PNP para sa mabilis na pagtugon ng mga awtoridad sa anumang uri ng krimen at emergency. | ulat ni Jaymark Dagala