Dumulog sa Court of Appeals ang mga abogado ng Sonshine Media Network International (SMNI) para hilingin ang pagpapahinto ng suspension order ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa network.
Ang mga abogado ng naturang network ang naghain ng mga petisyon kasabay ng kahilingan na maglabas ng Temporary Restraining Order laban sa kautusan ng NTC.
December 21 nang suspindihin ng komisyon ang operasyon ng Sonshine Media Network International sa radyo at telebisyon.
Ito ay pagkaraang ipasa ng Kamara ang resolusyon na naghihimok sa NTC na suspindihin ang network dahil umano sa mga paglabag.
Sabi ng SMNI, hindi katanggap-tanggap ang suspension lalo pa at hindi nabigyan nang pagkakataon ang network na makapagpaliwanag at sumagot sa show cause order ng NTC bago ang pagpapataw ng kautusan.
Matatandaan na kasunod ng pag-iisyu ng NTC ng show cause order para sa network ay nagpalabas agad ito ng suspension order na immediately executory.
Lumalabas na bago pa ang pagdinig ng NTC sa mga alegasyon ay nagpalabas na agad ito ng kaparusahan sa network.
Kaya naman dumulog na ang SMNI sa pamamagitan ng mga abogado nito na sina Atty. Mark Tolentino at Atty. Rolex Suplico sa Court of Appeals para ireklamo ang NTC.
Naghain ang network ng certiorari at mandamus na may kalakip na apela na magpalabas ang CA ng temporary restraining order o preliminary injunction, at injunction para sa pagpapatigil ng implementasyon ng suspension order.
Ayon sa mga abogado, maling mali ang ginawang pagtalima ng NTC sa resolusyon ng Kamara gayong hindi nito mandato na sumunod sa dikta ng lehislatura.
Hirit pa ng kampo, na kung may nilabag man ang ilang programa ng SMNI ay hindi dapat madamay dito ang buong network.
Ang ginawa umano ng NTC ay maaaring magdulot ng chilling effect sa mga iba pang mamamahayag sa bansa. | ulat ni Michael Rogas