Nagpasalamat si Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagkakapirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng 2024 national budget.
Ayon kay Zubiri, napapanahon ang pagkakapirma nito kasabay ng pagpasok ng bagong taon.
Binida ng Senate President na nakabuo ang kongreso ng sa tingin niya ay ‘best budget’ sa nakalipas na mga taon.
Nilarawan ng senador ang budget na ito na may magandang balanse sa pagitan ng social services, infrastructure development, at defense at security.
Kasama na rin dito ang nararapat aniyang pagtaas ng pondo para sa Philippine Coast Guard (PCG) na nagsisilbi nating frontline sa pagprotekta ng soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Pinagmalaki rin ni Zubiri na sinasalamin ng 2024 budget ang concern ng publiko tungkol sa confidential funds.
Kaya naman maituturing aniyang mas transparent itong 2024 budget at mas magiging accountable ang mga ahensya ng gobyerno at opisina sa paggasta nila ng kani-kanilang mga pondo.
Kasabay nito, nanawagan ang Senate leader sa mga ahensya at opisina ng gobyerno na epektibong ipatupad ang kanilang mga programa at proyekto para masiguro na bawat sentimo ng pondo ng bayan ay mararamdaman ng taumbayan.| ulat ni Nimfa Asuncion