Pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang launching ng Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) for the Youth sa West Visayas State University Cultural Center sa Iloilo City.
Layunin ng ISIP for the Youth na masuportahan ang education agenda ni President Ferdinand Marcos Jr. partikular ang pagbibigay ng skills development at employment program sa mga estudyante.
Sa tulong ng mga tanggapan nina Iloilo City Lone District Representative Julienne “Jam-Jam” Baronda, Uswag Ilonggo Representative James “Jojo” Ang, at Iloilo City Mayor Jerry Treñas, 3,000 mahihirap na kabataang Ilonggo na nag-aaral sa kolehiyo ang inirehistro sa programa.
Ayon kay House Speaker Romualdez, kabilang sa mga tulong na maaring matanggap ng mga benepisyaryo ang P15,000 na assistance kada taon sa ilalim ng Tulong Dunong Program ng CHED at financial aid kada anim na buwan sa pamamagitan ng DSWD AICS.
Sa oras na makapagtapos sa programa, gagawing prayoridad din ang mga benepisyaryo sa Government Internship Program.
Kung kakailanganin, ang mga magulang o guardian ng mga benepisyaryo na walang trabaho ay ipapasok din sa Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program (TUPAD) ng DOLE at iba pang intervention ng pamahalaan.
Pinasalamatan naman ni Congresswoman Baronda ang pinuno ng Kamara sa pagbibigay ng maagang pamasko sa mga estudyanteng Ilonggo at sa pagpili sa Iloilo City bilang venue sa launching ng programa.| via JP Hervas| RP1 Iloilo