Muling iginiit ng Armed Forced of the Philippines (AFP) na hindi nagsisimula ng gulo ang Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), taliwas sa pahayag ng China, na ang bansa umano ang lumalabag sa kanilang soberanya sa lugar.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Medel Aguilar na lahat ng aktibidad ng gobyerno sa rehiyon ay alinsunod sa international law.
Mayroon aniyang obligasyon ang bansa na panatilihin ang kalinisan sa lugar, at siguruhin ang kaligtasan ng mga naglalayag doon.
“Hindi tayo nagsasagawa ng mga activities na maglalagay sa panganib sa ibang mga manlalayag tulad po ng kanilang ginagawa – nagko-conduct sila ng shadowing, nagko-conduct sila ng mga dangerous maneuvers, gumagamit pa sila ng water cannon at minsan nagresulta nga ito sa mga collision at sea. So, lahat po ng mga violations sila ang may kagagawan,” ani Aguilar.
Taliwas aniya sa mga iligal na aktibidad ng China na gumagamit pa ng water canon, nagpapatupad ng dangerous manuevers, na nagreresulta pa sa banggaan ng mga sasakyang pandagat.
“Ngayon po, sa pakikipag-alyansa natin sa ibang bansa ito po ay dahil alam ng maraming bansa na tama ang ating ipinaglalaban at ito po ay para sa pagpapalakas ng [unclear] term ng isang international law na kung tawagin is United Nations Convention on the Law of the Sea because this is the only way to peacefully resolve maritime disputes,” dagdag pa ni Aguilar. | ulat ni Racquel Bayan