Binigyan ng Korte Suprema ng 10 araw ang Comelec na maghain ng kanilang komento sa petisyon na inihain ng Smartmatic matapos itong ma-disqualified sa bidding para sa pagbili ng mga bagong makina na gagamitin sa 2025 Midterm election.
Sabi ng Kataas-taasang Hukuman, dapat nitong sagutin ang petition for ‘Certiorari with extreme urgent application for the issuance of temporary restraining order’ ng Smartmatic.
Bukod sa Comelec, pinasasagot din ang grupo ni dating Department of Information and Communication Technology Undersecretary Eliseo Rio Jr.
Ang grupo ni Rio ang petitioner sa Comelec para i-disqualify ang Smartmatic sa bidding ng teknolohiya na gagamitin sa 2025 election.
Noong nakaraang buwan ng Nobyembre 2023, nagdesisyon ang En Banc ng Komisyon na huwag payagan ang Smartmatic na sumali sa bidding matapos itong mapatunayan na nakipagsabwatan kay dating Chairperson Andres Bautista sa maanomalyang kontrata.
Samantala, tiniyak naman ng Comelec na susunod ito sa utos ng Korte Suprema na sumagot sa petisyon ng Smartmatic.
Nakikipag-ugnayan na daw sila sa Office of Solicitor General para sa paghahanda ng mga argumento na ihahain sa Supreme Court. | ulat ni Mike Rogas