Nakatakda nang lumarga ngayong buwan ang tatlong malalaking proyekto ng National Irrigation Administration na naka-angkla sa layuning mapabilis ang irrigation development sa bansa.
Kabilang sa mga proyektong ito ang inagurasyon ng P1.276 bilyong Balbalungao Small Reservoir Irrigation Project (Balbalungao SRIP) sa Lupao, Nueva Ecija, groundbreaking ceremony ng P2.435-bilyong Bayabas SRIP sa DRT, Bulacan, at ang turnover ceremony ng P776 milyong halaga ng wheeled excavator sa NIA Field Offices nationwide.
Sabay-sabay na isasagawa ang mga naturang landmark events sa Miyerkules, Dec. 13
Ayon sa NIA, itinayo ang Balbalungao SRIP para mapakinabangan ng higit 500 magsasaka sa mga barangay ng San Isidro, Balbalungao, Salvacion, at Mapangpang sa Lupao.
Itinuturing ding mahalagang irrigation infrastructure project ang Bayabas SRIP sa Bulacan dahil inaasahang makakabenepisyo ito sa tinatayang 20,000 mga magsasaka sa rehiyon.
Bukod sa benepisyo sa irigasyon, inaasahan din ng NIA na matutugunan ng proyekto ang iba pang hamon na kinahaharap sa rehiyon kabilang ang mga pagbaha.
Isasagawa naman ang pamamahagi ng heavy equipment sa NIA Field Offices sa Subic Bay Freeport Zone, Olongapo City, Zambales.
Layon naman nitong maisulong ang epektibong operation at maintenance (O&M) ng irrigation systems sa buong bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa