Napaamin ng mga kongresista ang anchor ng Sonshine Media Network International (SMNI) na galing sa isang empleyado ng Senado ang kanyang impormasyon na umabot sa ₱1.8-billion ang ginastos sa biyahe ni Speaker Martin Romualdez.
Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises nitong Huwebes, inusisa ni Quezon Representative David Suarez kay Jeffrey “Ka Eric” Celiz, anchor ng programang Laban Kasama ang Bayan, kaugnay ng ‘source’ ng kaniyang impormasyon.
Ani Celiz nakatanggap siya ng dalawang mensahe, isa ang mula sa isang unlisted na numero at ang isa ay sa dati na nitong source.
Makailang beses tumanggi si Celiz na sumagot ng gisahin ng mga kongresista sa pagkakakilanlan ng naturang source.
Sinubukan pa nga nitong i-invoke ang Sotto Law o yung batas na nagbibigay proteksyon sa isang mamamahayag na itago ang kaniyang source.
Ngunit sinabi ng mga mambabatas na hindi nito sakop si Celiz dahil hindi naman siya isang journalist at lalong hindi kabilang sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Kalaunan napaamin si Celiz na isa itong government employee at taga-Senado.
Pero tikom na ang bibig nito sa pangalan ng indibidwal.
Hiniling ni Suarez na ipadala ang transcript ng pagdinig ng komite sa Senado upang makatugon ito.
“These are not simple accusations anymore, these (affect) inter-parliamentary relations between Senate and the House of Representatives,” ani Suarez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes