Labis na ikinatuwa ng Department of Migrant Workers (DMW) ang hakbang ng Taiwan at Hongkong na taasan ang arawang suweldo ng kanilang mga manggagawa.
Ayon kay DMW Officer-In-Charge Usec. Hans Leo Cacdac, tiyak na pakikinabangan ito ng mga Overseas Filipino Workers lalo’t epektibo na ito ngayong huling bahagi ng 2023 na tatagal hanggang sa unang bahagi ng 2024.
Dahil dito, nagpasalamat si Cacdac sa Ministry of Labor ng Taiwan at Labor Department ng Hongkong Special Administrative Region sa ipinasang wage legislation na aniya’y pagkilala sa ambag ng mga OFW sa kanilang ekonomiya.
Batay kasi sa bagong wage order ng Taiwan, tataas ng 4.05% ang buwanang minimum salary ng mga manggagawa roon ng mahigit ₱48,000 mula sa dating mahigit ₱46,000.
Habang sa Hongkong naman, tataas ng mahigit sa ₱321 ang kada oras ng suweldo ng mga manggagawa roon mula sa dating ₱295.
Mula Oktubre 2023, aabot na sa 151,562 na mga Pilipino ang nagtatrabaho sa Taiwan habang tinatayang mahigit 196,000 naman ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Hongkong at inaasahang madaragdagan pa ito pagpasok ng 2024. | ulat ni Jaymark Dagala