Tahimik at maayos na ginanap ang unang araw ng simbang gabi sa ilang lugar sa Caloocan at Quezon City.
Sa Bagong Silang Caloocan City, mag-aalas-3:00 pa lang ng madaling araw ay dinayo na ng mga Katoliko ang Sto Niño Parish.
Pansin ang kakaunti pang tao ang dumalo sa unang misa.
Nakabantay naman sa bisinidad ng simbahan ang pulisya at force multipliers para sa seguridad.
Samantala, dinagsa na rin ng publiko ang St. Peter Parish sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Bagama’t may mahinang pag-ulan ay hindi ito alintana ng mga nagpupunta sa simbahan.
Para sa mga Katoliko, ang simbang gabi ay debosyonal, siyam na araw na sunod-sunod na mga misa bago ang Pasko. Tinatawag din itong Misa de Aguinaldo o Misa de Gallo. | ulat ni Rey Ferrer