Muling bumaba ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa bansa nitong Oktubre.
Sa inilabas na Labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 4.2% ang unemployment rate nitong Oktubre mula sa 4.5% noong Setyembre at kaparehong buwan noong 2022.
Katumbas ito ng 42 sa bawat isang libong indibidwal na walang trabaho o kabuuang 2.09 milyong Pilipino.
Kasunod nito, umakyat rin sa 95.8% ang employment rate sa bansa nitong Oktubre o katumbas ng 47.80 milyong Pilipino na may trabaho.
Mas mataas ito kumpara sa 95.2% na employment rate noong noong Hulyo o dagdag na 3.17 milyong Pilipino na nagkatrabaho mula Hulyo hanggang nitong Oktubre ng taong ito.
Bumaba rin ang bilang ng mga underemployed o mga manggagawang hindi napapasweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan na nasa 11.7% nitong Oktubre mula sa 14.2% noong nakaraang taon.
Sa mga rehiyon sa bansa, ang Davao Region ang may pinakamataas na employment rate habang ang National Capital Region naman ang may pinakamababang employment rate.
Kabilang naman sa mga sektor na may malaking inangat sa mga manggagawa ang wholesale at retail, agriculture at forestry, accomodation at food service, public administration at defense, at education.
Habang ang mga sektor naman ng fishing at aquaculture, mining, art, entertainment, at recreation ang nagkaroon ng mas mababang bilang ng employed. | ulat ni Merry Ann Bastasa