Kinondena ng Estados Unidos ang aksyon na ginawa ng Chinese Coast Guard kahapon matapos nitong pasabugan ng water cannon ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea bagay na ikinabahala rin ng iba pang mga bansa.
Sa pahayag ni United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, mariing kinondena nito ang naging agresibo at ilegal na aksyon ng China sa mga sasakyang pandagat ng BFAR na legal na nasasagawa ng operasyon sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng sakop ng Pilipinas.
Suportado umano ng Estados Unidos, ayon kay Carlson, ang Pilipinas na isa sa mga partner allies nito para sa Free and Open ng Indo Pacific.
Sa pahayag naman ng Embassy ng Japan sa Pilipinas, lubos itong nababahala sa isinagawang aksyon ng Chinese Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ipinapahayag rin nito ang kahalagahan ng pagsunod sa batas pandaigdig, lalo na sa UNCLOS, at ang 2016 Arbitral Award.
Ganito rin ang naging pahayag ng United Kingdom kung saan sinabi nitong inilagay ng CCG ang buhay at hanapbuhay ng mga tao sa lugar dahil sa unsafe actions na ginawa nito sa Scarborough Shoal.
Maliban dito, kapwa nagpakita rin ng suporta ang European Union sa pamamagitan ng pagbibigay diin sa UNCLOS Tribunal Award noong 2016 na sinegundahan naman ng Germany.
Nauna nang kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang isinagawang ilegal na aksyon ng Chinese Coast Guard at Maritime Militia kahapon laban sa silbilyang barko ng Pilipinas.
Muli ring ipinunto nito ang soberanya ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc na sang-ayon sa 2016 Arbitral Award at dine-demand ang agarang pag-withdraw ng mga barkong Tsino sa lugar.
Nanawagan din ang NTF-WPS sa gobyerno ng Tsina na itigil na ang agresibong mga aksyon nito, ipatupad ang international law, at siguruhin ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar. | ulat ni EJ Lazaro