Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pilit na nagsisikap ang Pilipinas na mahanapan ng resolusyon ang usapin sa West Philippine Sea bago pa dumating ang pagkakataong malagay sa peligro ang suplay ng Malampaya gas field.
Sa interview ng Japanese media sa Punong Ehekutibo, sinabi nitong dapat masolusyonan ang isyu nang sa gayon ay makapag-simula na ng bagong energy exploration projects.
Sa harap na din ito ayon sa Pangulo ng kahalagahan ng supply ng liquified natural gas para sa bansa lalo’t pinalalakas ng Pilipinas ang paggamit ng renewable energy.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na bagamat mayroon namang negosasyon sa nakalipas nang tatlong taon para maresolba ang claim issue sa teritoryo, ay wala namang gaanong progresong nakikita ukol dito.
Nananatili pa rin aniyang deadlock ang sitwasyon sa conflict area na aniya’y Isang bagay na dapat maresolba kasama na ang posibleng partisipasyon ng iba pang mga bansa.
Sa harap nito’y muling naninindigan si Pangulong Marcos Jr. na ang area ay nasa hurisdiksiyon ng EEZ o exclusive economic zone ng Pilipinas at nasa maritime territory ng Pilipinas. | ulat ni Alvin Baltazar