May tagubilin si Vice President Sara Duterte sa mga nakapasa sa 2023 Philippine Bar Examinations kasunod ng kaniyang pagbati sa mga bagong abogado ng bayan.
Sa isang pahayag, sinabi ng Pangalawang Pangulo sa mga nakapasa sa Bar Exam na pagsilbihan ang kapwa Pilipino at ang bansa nang may kababaang loob at integridad.
Dapat din aniyang panghawakan ng mga ito ang kanilang pangako na itaguyod ang katarungan, ipaglaban ang karapatang-pantao, at tulungan ang mga nangangailangan ng hustisya.
Aniya, ang tinatamasa nilang tagumpay ay bunga ng kanilang pagsisikap, sakripisyo, at katatagan sa kabila ng mga hamong kanilang kinaharap.
Sa huli, hinikayat ni VP Sara ang mga bagong abogado na sama-samang itaguyod ang isang lipunang may pagkakapantay-pantay, katarungan, pagkakaisa sa iisang layunin sa kabila ng pagkakaiba ng mga paniniwala, at pananaw. | ulat ni Jaymark Dagala