Tinawag na fake news ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga kumakalat na infographic sa social media na tila nag-uulat sa publiko hinggil sa umano’y kinita ng mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival o MMFF.
Ayon sa MMDA, walang inilalabas na ganitong pag-uulat ang komiteng nangangasiwa sa MMFF upang maiwasang maapektuhan ang pagpapasya ng publiko hinggil sa mga nais nilang panoorin.
Bagaman labis na ikinatutuwa ng MMFF ang mainit na pagtangkilik ng publiko sa mga pelikulang kalahok dito, umaapela sila na huwag paniwalaan ang mga lumalabas sa social media lalo’t kung hindi naman lehitimo ang pinagmulan nito.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes na siyang concurrent Chair ng MMFF, ang mahabang pila sa mga sinehan sa unang tatlong araw ng pagpapalabas ay patunay na bumalik na ang sigla ng publiko sa panonood.
Aminado naman si Artes na mas malaki ang kinita ng mga kalahok na pelikula sa unang araw ng MMFF ngayong taon kumpara noong 2022.
Muli naman niyang iginiit na wala ito sa kung magkano ang kinita, sa halip ay ang layunin ng MMFF ay maghatid ng pantay na suporta sa bawat pelikulang kalahok dito. | ulat ni Jaymark Dagala