Inaprubahan na ng Taiwan Government ang isang batas na naglalayong taasan ang sweldo ng mga manggagawang Pinoy doon.
Makikinabang sa bagong batas ang 125,000 mga Filipino factory worker sa Taiwan.
Ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), noong bago mag Pasko ay isinabatas ng Taiwan’s Legislative Yuan ang dagdag sweldo.
Kasama rin sa nilalaman ng batas ay ang kaparusahan sa mga employer na hindi susunod sa employment contracts.
Ayon kay MECO Chairperson at Resident Representative Silvestre Bello III, isang magandang regalo ngayong Pasko para sa mga Pinoy worker ang naging hakbang ng Taiwanese Government.
Dahil sa bagong batas na ito nasa NT$27,470 o P46,699 mula sa dating NT$26,400 o P44,800 ang magiging buwanang sweldo ng mga manggagawang Pinoy.
Ginawa ng naturang bansa ang pagbibigay ng dagdag sweldo upang makasabay ang mga ito sa mataas na cost of living. | ulat ni Michael Rogas