Tataas na simula sa Pebrero ang makukuhang social pension ng mga senior citizen mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa DSWD, sisimulan na nito sa susunod na buwan ang pamamahagi ng ₱1,000 monthly stipend sa mga benepisyaryong idigent senior citizens.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, nakalakip na sa 2024 budget ng DSWD ang pondo para sa karagdagang stipend na alinsunod sa Republic Act 11916 o ang Social Pension for Indigent Seniors Act.
Sa ilalim nito, dumoble sa ₱1,000 mula sa ₱500 ang buwanang pensyon ng indigent senior citizen.
“The social pension is provided to eligible and qualified indigent senior citizens to augment their daily subsistence and address their medical needs,” ani Lopez.
Ayon sa DSWD, aabot sa 4,085,066 indigent senior citizens ang pasok sa social pension program para sa taong ito.
Kabilang sa maituturing na indigent senior citizens ang mga matatanda nang may karamdaman, walang permanenteng pagkakakitaan o wala ring regular na suportang natatanggap sa kanilang kaanak, at hindi tumatanggap ng anumang pensyon mula sa SSS, GSIS, PVAO o AFPMBAI. | ulat ni Merry Ann Bastasa