Maaari nang mapanood ng mga foreign moviegoer ang 10 pelikula na kalahok sa katatapos na 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ito ay matapos na opisyal na magsimula ang Manila International Film Festival (MIFF) sa TCL Chinese Theaters sa Hollywood Boulevard sa California.
Sa isang pahayag, sinabi ng MMFF na ang mga nasabing mga pelikula ay mabibigyan din ng panibagong award na magkaiba sa natanggap sa 2023 MMFF awards noong Disyembre.
Ang naturang mga award ay igagawad ng ilang tanyag sa industriya ng pelikula sa Amerika sa gaganaping star-studded awards gala na Directors Guild of America sa Sunset Boulevard.
Kabilang na rito ang mga award na Best Picture, Best Director, Best Actor, Best Actress, Best Supporting Actor, Best Supporting Actress, Best Screenplay, at Best Cinematography.
Ayon kay MMDA Acting Chair at concurrent MMFF Overall Chair Atty. Don Artes, mahalaga ang pagdaraos ng MIFF upang maiangat ang kalidad ng mga pelikulang Pilipino dahil ito ay mapapanood ng mga foreign moviegoer. | ulat ni Diane Lear