Muling nagpahayag ng pagkaalarma ang environmental watchdog group na Ecowaste Coalition sa lagay ng Manila Bay.
Kasunod ito ng Marine Litter Monitoring Survey in Manila Bay: Year 1 (2023) report na isinagawa ng Ecowaste Coalition, katuwang ang Korean International Cooperation Agency (KOICA), De LaSalle University-Dasmarinas, at DENR kung saan lumalabas na tambak pa rin ng milyun milyong basura ang Manila Bay.
Sa naturang pag-aaral, natukoy na 90% ng mga basurang nakolekta sa Manila Bay ay gawa sa plastic partikular ang mga single-use utensils, sachets, at wrappers.
Aabot rin sa 240 metriko tonelada ang bigat ng mga nakolektang fiber, film, at hard plastic litter sa naturang baybayin.
Dismayado ang Ecowaste dahil malaking bilang pa rin ng basura sa Manila Bay ay mga single use plastics na hindi lang nagdadala ng banta sa kalusugan kundi nagpapalala rin sa environmental at climate crisis.
“The study shows that we have a long way to go to eliminate the ubiquitous problem of single-use plastics and marine litter as a whole”.
Ayon naman kay Dr. Johnny A. Ching, Assistant Vice Chancellor for Research, DLSU-Dasmarinas, mahalaga ang resulta ng naturang pag-aaral at maaaring gawing basehan ng mga public at private institution sa kanilang mga programa at aktibidad sa Manila Bay.
Maaari din aniya itong makatulong sa mga otoridad sa pagbalangkas ng mga polisiya para mabawasan ang mga basurang natatambak sa Manila Bay. | ulat ni Merry Ann Bastasa