Personal na tinanggap ng dalawang asosasyon sa Virac ang tulong pinansyal mula sa programang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Virac.
Layon ng DSWD-SLP na matulungan at mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante sa pamamagitan ng pagbibigay suporta partikular sa kanilang mga pinagkukunan ng kabuhayan.
Laking pasasalamat ng Negosyanteng Mamamayan ng Danicop SLP Association sa P300,000 na tsekeng natanggap gayundin ang ASPIRE SLP Association sa Barangay Calabnigan na tumanggap naman ng P135,000 na tsekeng gagamitin para palaguin ang kanilang maliit na poultry at feeds supply business.
Ang turn over ng nasabing mga tseke ay isinagawa sa tanggapan ni Mayor Samuel Laynes kamakailan na personal naman nitong dinaluhan, kasama si MSWD Officer Jean Triumfante at mga personahe ng DSWD.
Nagpaabot ng pasasalamat ang alkalde sa programang ito ng DSWD na malaking tulong aniya sa pagpapalago ng hanapbuhay ng mga maliliit na negosyante na kalaunan ay makatutulong na unti-unting mabawasan ang kahirapan sa bansa. | Juriz Dela Rosa | RP Virac
📸: LGU Virac