Limang beses nagpadala ng radio challenge ang BRP Ramon Alcaraz (PS-16) sa dalawang barkong pandigma ng China, na namataan ng Joint Maritime Patrol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at US Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) sa West Philippine Sea.
Ayon kay Lieutenant Commander Christopher Calvo, Acting Commanding Officer ng BRP Ramon Alcaraz, namataan ang dalawang barko ng China sa bisinidad ng pinagdarausan ng ikalawang PH-US Maritime Cooperative Activity (MCA).
Hindi naman aniya tumugon sa hamon ang mga barko ng China at hindi rin nagtangkang harangan ang mga barko ng Philippine Navy at US Navy.
Ipinadala ng Philippine Navy ang BRP Ramon Alcaraz, BRP Gregorio del Pilar (PS-15), at BRP Davao del Sur (LD-602) para lumahok sa MCA.
Kasama nila ang mga barkong dineploy ng USINDOPACOM na pinangungunahan ng Aircraft Carrier USS Carl Vinson; Ticonderoga-class guided-missile cruiser USS Princeton (CG 59); at Arleigh Burke-class guided-missile destroyers USS Kidd (DDG 100) at USS Sterett (DDG 104). | ulat ni Leo Sarne