Nasawi ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa pakikipaglaban sa mga tropa ng 62nd Infantry Batallion sa La Castellana, Negros Occidental kahapon.
Sa ulat ng militar, nakasagupa nila ang mga NPA nang rumesponde sila sa sumbong ng mga lokal na residente tungkol sa pangingikil at pananakot ng mga teroristang komunista sa Barangay Sag-Ang.
Kasunod ng enkwentro, narekober ng mga tropa sa lugar ang mga matataas na kalibre ng baril, bala, medical paraphernalia, at mga subersibong dokumento ng kalaban.
Sa hiwalay namang operasyon sa Panay, dalawang sundalo ang sugatan mula sa 61st Infantry Battalion nang makaharap ang mahigit-kumulang 15 miyembro ng NPA.
Inabot ng 12 minuto ang tagal ng engkwentro bago tumakas ang mga kalaban.
Ayon kay 3rd ID Commander Major General Marion Sison, malaking tulong ang impormasyon na nakukuha nila sa mga residente sa pagkakasa nila ng mga operasyon.
Dahil sa dalawang magkahiwalay na engkwento, sinabi ni Sison na mas paiigtingin nila ang kanilang monitoring para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa Western at Central Visayas. | ulat ni Leo Sarne