Inilabas ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang updated na listahan ng mga gamot na exempted sa value-added tax (VAT).
Ito ay sa bisa na rin ng Revenue Memorandum Circular No. 17-2024 kung saan inalis na ng BIR ang VAT sa 21 gamot na para sa Cancer, Diabetes, Hypertension, Kidney Disease, Mental Illness, at Tuberculosis.
Ayon sa BIR, alinsunod ito tagubilin ng Food and Drug Administration (FDA) ng Department of Health (DOH) na mga pagbabago sa VAT exempt products sa ilalim ng RA 10963 (TRAIN Law) at ng RA 11545 (CREATE Act).
Sinabi naman ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na ang agarang pagpapabisa ng mga update na ito ay patunay ng dedikasyon ng pamahalaan na makapagbigay ng maayos na serbisyo sa mga taxpayer at para makatulong sa mga Pilipino na lumalaban sa mga sakit na ito.
“Ito ang handog ng BIR sa Bagong Pilipinas, serbisyong mabilis at maasahan. Ito pong 21 na gamot na tinanggalan ng VAT ay simula pa lamang ng mga serbisyong aming ibibigay ngayong 2024,” pahayag ni Commissioner Romeo Lumagui Jr. | ulat ni Merry Ann Bastasa