Binuksan ng lokal na pamahalaan ng Taguig City ang bago nitong diagnostic laboratory na handang magbigay serbisyo 24/7 para sa emergency patients ng lungsod.
Ang nasabing diagnostic lab ay karagdagan sa 29 na community-based laboratories at tatlong main laboratories ng Taguig LGU.
Alok ng 24/7 diagnostic lab na matatagpuan sa Super Health Center sa Barangay North Signal ang mga serbisyo tulad ng CBC test, urinalysis, fecalysis, at iba pang mga diagnostic tests.
Kumpleto rin ayon sa Taguig LGU ang nasabing laboratory ng mga medical technologist, nurse, doktor, at laboratory staff.
Pero paalala ng lungsod, tanging mga emergency patients lamang na napagkonsulta at na-evaluate ng mga super health centers ang maa-accommodate sa 24/7 diagnostic laboratory habang ang ibang pasyente na hindi emergency case at walang referral mula sa ibang health center ng lungsod ay maa-accomodate lamang hanggang ala-singko pa rin ng hapon.
Samantala, mananatili pa rin mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ang iba pang diagnostic laboratories sa mga health center ng lungsod para maglingkod sa mga residente nito. | ulat ni EJ Lazaro