Bilang bahagi ng ika-73 taong anibersaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay ilulunsad ngayon ang 24/7 Disaster Response Command Center (DRCC) at Buong Bansa Handa Project ng kagawaran.
Pangungunahan ito mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa DSWD Central Office ngayong araw.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, ang launching ng DRCC at ng Buong Bansa Handa Project ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na palakasin ang mga serbisyong nakapaloob sa mga disaster-affected families at masigurong lahat ng tulong ay maibibigay sa mga apektadong pamilya sa panahon ng kalamidad.
“These significant milestone initiatives underscore the Department’s unwavering commitment to continuously enhance its capabilities in line with its leadership role in the National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Response and Early Recovery Pillar,” ani Asec. Lopez.
Ang bagong lunsad na DRCC ang siyang magsisilbing central hub para sa disaster monitoring, reporting, at coordination para sa paghahanda at pagresponde sa panahon ng kalamidad.
Tampok rito ang advance information at communication equipment/assets upang matiyak ang isasagawang pakikipagtulungan sa pagitan ng DSWD Central Office, DSWD Field Offices (FOs), NDRRMC member-agencies, at iba pang tanggapan.
Samantala, ang ‘Buong Bansa Handa’ Project ay magtatatag ng dalawang parallel supply chain mechanisms para sa disaster preparedness and response upang makadagdag sa kapasidad ng departamento para sa mga nangangailangan ng tulong pagdating ng kalamidad.
Kabilang sa mechanism features nito ang pagkakaroon ng national at local government-driven supply chain na magpapalakas sa kapasidad ng DSWD’s National Resource Operations Center (NROC) sa Pasay City, gayundin ang Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Cebu, at warehouse and storage facilities sa may 16 na DSWD Field Offices (FOs).
Ayon kay Asec. Lopez, magtatayo din ng disaster resource center sa Butuan City, Caraga Region upang matugunan ang mga lugar sa Mindanao.
Para naman sa ikalawang mekanismo ng programa, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga maliliit at malalaking grocery, supermarkets, manufacturers, at distributors upang agarang mapadalhan ng tulong para sa mga pangangailangang supply ng pagkain kung kinakailangan.
Sa ilalim ng partnership na ito, layunin ng DSWD ang mabilisang pagtugon sa mas epektibong pamamaraan ng pagtulong sakaling tamaan ng kalamidad ang iba’t ibang lugar sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa