Nasamsam ng tropa ng pamahalaan ang ilang mga kagamitan na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga Communist Terrorist Group (CTG) sa isang operasyon sa bahagi ng Labo, Camarines Norte.
Sa datos mula sa 9th Infantry Division, Philippine Army, alas-5:30 ng umaga kahapon, January 14, nang madiskobre ng mga sundalo mula sa 9th Infantry Battalion ang ilang mga kagamitan na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga CTGs sa bahagi ng barangay Bagong Silang III, sa bayan ng Labo, Camarines Norte.
Kabilang sa mga nakumpiska ng kasundaluhan ay ang dalawampu’t siyam na mga anti-personnel mines at 800 piraso ng mga bala.
Samantala, noong January 11, nasamsam din ng mga operatiba mula sa PNP Bicol ang iba’t ibang mga kagamitan sa paggawa ng improvised explosive devised (IED) ng mga New Peoples Army (NPA) sa bahagi ng Capalonga, Camarines Norte.
Nangyari ito habang nagsasagawa ng Internal Security Operation (ISO) ang mga kapulisan at kasundaluhan nang madiskobre ang pinaniniwalaang abandonadong kubo ng NPA sa nasabing lugar.
Nakuha rito ang sampung non-electric (NONEL) blasting caps; limang metro ng detonating cord; dalawang kilo ng ammonium nitrate; tatlong flashlights na may wire; anim na 1.5 size D batteries; isang synthetic leather wallet na may nakasulat na dalawang numero; roll ng electrical tape; at isang pakete ng plastic bag.
Nagsagawa naman ng imbestigasyon ang PNP Bicol upang makakuha ng impormasyon hinggil sa pinagmulan ng mga nakumpiskang kagamitan. | ulat ni Vanessa Nieva | RP1 Naga
Photo: 9ID,PA/PNP Kasurog Bicol