Halos tapos na ng Kamara ang lahat ng priority legislation na inilatag ng Pangulpng Ferdinand R. Marcos Jr. at Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, sa 57 LEDAC priority bills, apat na lang ang tatapusin ng Kamara.
Isa rito ang National Defense Act na nakatakdang aprubahan sa ikatlong pag-basa.
Aniya, mahalaga na magkaroon ng isang matatag na programang pang-depensa at industriya ang Pilipinas upang hindi umasa sa kaalyadong mga bansa at dayuhang supplier ng kinakailangang mga armas.
“We have accomplished our mission as lawmakers by acting promptly on the legislative agenda of President Marcos, which is focused on sustaining economic growth, helping the poor and vulnerable sectors, creating jobs and income opportunities, and in general, making life better for every Filipino,” sabi niya.
Kasalukuyan namang isinasapinal ng technical working group ang panukalang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act habang tinatalakay pa ang Budget Modernization Bill.
Isa pang panukala na prayoridad ng Kamara na nakatakdang ipasa ay ang House Bill No. 9571, o panukala hinggil sa paggawa, pagtatago, at paggamit ng chemical weapons.
Kasama ito sa 11 panukala na prayoridad ng Kamara na nakasalang sa deliberasyon sa plenaryo at komite.
“We will await Senate action on proposed laws that we have approved on third and final reading, and we will be ready to sit with senators in bicameral conferences to come up with the final versions,” saad ni Speaker Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes