Sumuko sa mga tropa ng 1003rd Brigade ng Philippine Army nitong bisperas ng Bagong Taon ang tatlong miyembro ng New People’s Army, kasunod ng serye ng engkwentro sa Quezon, Bukidnon.
Ang tatlong sumuko ay pawang mga miyembro ng Sub-Regional Sentro De Grabidad Peddler ng North Central Mindanao Regional Committee (SRSDG Peddler, NCMRC).
Kinilala ang mga ito na sina: Emmely Banahan, alyas Yolanda/IG, 18, na sugatan sa kaliwang binti; Marjun Otag alyas Dante/Egale/Bukol, Squad Leader ng Squad 2, at ang kanyang asawang si Nelly Erespi Otag, alyas Marlyn/Cris, ang Squad Medic.
Agad na nilapatan ng paunang lunas ng mga sundalo ang sugatang amasona, at nakipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya para sa tulong medikal, makaraang sumuko ang tatlo.
Malugod namang tinanggap ni 10th Infantry (Agila) Division Commander Brigadier General Allan D. Hambala ang pagsuko ng tatlo at sinabing tama ang desisyon ng mga ito na talikuran na ang karahasan. | ulat ni Leo Sarne
📷: 10ID