Nanganganib maalis sa serbisyo ang tatlong pulis na sangkot sa pagpapaputok ng baril bago tuluyang magpalit ang taon.
Ito’y ayon sa Philippine National Police (PNP) kung mapatutunayang nagkaroon ng kapabayaan sa paggamit nila ng baril na labas sa kanilang pagganap sa tungkulin.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, isa sa tatlong pulis ay napaulat na nagpaputok ng baril nito lang bisperas ng Bagong Taon sa Zamboanga City.
Kinuha umano ng naturang pulis ang service firearm ng kaniyang kasamahan at pinaputok ito sa likod ng kanilang istasyon habang sila’y nag-iinuman.
Kasalukuyan nang under restrictive custody ang naturang pulis at nahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal.
Ang nalalabi namang dalawang pulis na sangkot sa illegal discharge of firearm ay nangyari sa Malabon at Quezon City.
Sa kabuuan, nakapagtala ang PNP ng 13 kaso ng illegal discharge of firearm kung saan, arestado ang lahat ng mga nasasangkot habang walong baril naman ang nakumpiska. | ulat ni Jaymark Dagala