Aabot sa 47% ng mga pamilyang Pilipino ang ikinukunsidera ang sarili na mahirap, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS).
Bahagyang mas mababa ito kumpara sa 49% na nagsabing sila ay mahirap noong 3rd quarter ng 2023 bagamat kapareho lang ng tala noong 2022 kung pag-uusapan ang annual average.
Kaugnay nito, 33% ng respondents ang sinabing pasok sila sa borderline poor, habang nananatili sa 20% ang itinuturing ang sarili na hindi mahirap.
Batay sa naturang survey, kumakatawan sa 13 milyon ang bilang ng self-rated na mahihirap na pamilya na bahagyang mas mababa kumpara sa 13.2 milyon nitong Setyembre.
Lumalabas rin sa naturang survey ang bahagyang pagbaba sa porsyento ng Self-Rated Poor sa Mindanao bagamat tumaas naman ito sa Luzon.
Kaugnay nito, bumaba rin sa 32% ang mga pamilyang itinuturing ang sarili bilang food-poor o katumbas ng 8.9 milyong pamilya.
Isinagawa ang survey mula December 8-11, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 indibidwal na may edad 18 pataas. | ulat ni Merry Ann Bastasa