Nilagdaan ng Pilipinas at Vietnam ang limang bilateral agreements ngayong araw (January 30), na layong pagtibayin pa ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t ibang linya ng balikatan.
Una dito ang kooperasyon para sa Incident Prevention and Management of the South China Sea (SEA).
Napapanahon ang kasunduang ito upang sabay na maisulong ng Pilipinas at Vietnam ang kapayapaan sa rehiyon sa gitna na rin ng mga pangha-harass ng China sa lugar.
Nagkasundo rin ang dalawang bansa na paigtingin pa ang koordinasyon kaugnay sa maritime issues, sa loob ng ASEAN at dialogue partners nito upang maisulong pa ang kumpiyansa at pagkakaunawaan sa pagitan ng pakikipag-usap at cooperative activities.
Bukod dito, lumagda rin ng kasunduan ang Coast Guard ng Pilipinas at Vietnam, para sa pagpapalakas ng balitakan ng magka bilang panig, sa maritime cooperation, at marine evironmental protection.
Nabuo rin ang hotline communication mechanism, para sa mas mabilis na ugnayan ng dalawang panig, sakaling mayroong mga Pilipino o Vietnamese na mangingisda ang mawawala.
Sabi ni Pangulong Marcos, kahit na ang maritime cooperation ang nagsisilbing pundasyon ng strategic partnership ng dalawang bansa sa kasalukuyan, lumawak na at malayo na ang narating ng Philippine-Vietnam relations, lalo’t nakatawid na rin ito sa linya ng defense, kalakalan, agrikultura, at kultura.
“Vietnam remains the sole strategic partner of the Philippines in the ASEAN region, and I am hopeful that this meeting will provide fresh opportunities to reinforce our bilateral relations with the aim of fostering peace and prosperity between our two countries and in the region.”, ani Pangulong Marcos.
Ngayong umaga, dalawang kasunduan pa para sa linya ng agrikultura ang naselyuhan, partikular ang Memorandum of Understanding on Cooperation in Agriculture and Related Fields.
Sa ilalim nito, paiigtingin ang balikatan para sa rural development, agrikultura, maging ang pagbuo ng 19 na areas of cooperation, para sa high value crops, livestock, aquaculture, farm management, smart agriculture, aquaculture technology, research trainings, at pagpapalitan ng mga eksperto.
Kabilang rin sa nalagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) on Rice Trade Cooperation.
Sa ilalim ng MOU na ito, bubuo ng framework ang dalawang bansa, para sa rice cooperation, na sisiguro sa sustainable food supply, kahit sa gitna pa ng epekto ng climate change, pandemya, at iba pang external events na makakaapekto sa dalawang bansa.
Nangako ang Vietnam sa limang taong trade commitment, sa pagsusuplay ng puting bigas sa pamamagitan ng pribadong sektor ng kapwa bansa.
Ang commitment na ito ay kinabibilangan ng 1.5 million hanggang 2 million metric tons ng bigas kada taon, na ibebenta sa abot-kayang presyo.
Bukod sa kalakalan, inaasahan rin ang pagpapalitan ng impormasyon ng Pilipinas at Vietnam, kaugnay sa polisiya, plano, regulasyon, at iba pang rice-trade related activities.
Habang, sinaksihan rin ng Pangulo ang exchange of signed document para sa Cultural Cooperation Program sa pagitan ng National Commission for Culture and the Arts of the Republic of the Philippines at ng Ministry of Culture, Sports and Tourism Socialist Republic of Vietnam, para sa taong 2024-2029.
Para naman ito sa linya ng people- to-people exchanges ng dalawang bansa.
Ang mga kasunduang ito ay iprinesenta matapos ang bilateral meeting nina Pangulong Marcos, at Vietnamese President Vo Van Thuong. | ulat ni Racquel Bayan
📷: PCO