Binabantayan ng Department of Agriculture Bicol at ng National Irrigation Administration Region V ang nasa 5,000 ektaryang sakahan sa bicol na posibleng pinaka-maaapektuhan ng El Niño ngayong Marso.
Ayon kay Engr. Gaudencio De Vera, Regional Manager ng NIA Bicol, may 5,000 ektarya ng sakahan mula sa Camarines Norte, Camarines Sur at Albay ang maigting nilang binabantayan dahil sa nangangambang maapektuhan ng El Niño.
Dagdag ni De Vera, ang nasabing ektarya ay pareho sa mga pinaka-naapektuhan noong 2016 at 2019 El Niño phenomenon.
Ngunit dahil sa nararanasang pag-ulan ngayon sa rehiyong Bicol, ibinatid ni De Vera na mayroong 3,000 ektarya na ang nataniman ng palay, habang ang 2,000 ektaryang sakahan ay nananatiling mino-monitor.
Aniya, patuloy ang pagpapaabot ng mga binhi sa mga magsasaka sa rehiyon at paglilinis ng mga daluyan ng tubig para sa tuloy-tuloy na supply ng tubig sa mga irigasyon.
Sa ngayon, may walong excavators na ang nasa operasyon ng clearing operations ng mga kanal sa anim na probinsya sa rehiyong Bicol. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
Photos: NIA Region V