Mahigit sa 6.5 milyong Pilipino na nasa balag ng krisis ang nabiyayaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program noong taong 2023.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, lagpas sa annual total target ng ahensya na 1,691,869 beneficiaries ang nahatiran ng tulong simula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon.
Karamihan sa nahatiran ng tulong sa ilalim ng AICS program ng DSWD ay mula sa CALABARZON region na may kabuuang bilang na 870,000 individuals.
Pangkaraniwang hinihinging tulong ng mga benepisyaryo ay ang food assistance, psychosocial support, at medical aid.
Mahigit naman sa 314,700 individuals ang nakatanggap ng serbisyo sa ibat ibang Malasakit Centers sa bansa.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop-shop na maaaring lapitan sa ibat-ibang pampublikong ospital sa bansa. | ulat ni EJ Lazaro