Dumating na sa Zamboanga City ang 800 Filipino deportees o pinatapon – na lulan ng MV Antonia ng Aleson Shipping Lines – mula sa Sabah sa bansang Malaysia.
Ito na ang ikalawang pangkat ng mga Fipilipino deportees na dumating sa lungsod ng Zamboanga bunga ng nagpapatuloy na crackdown ng Malaysian Immigration Authority laban sa iligal na mga migrante sa kanilang bansa.
Tumindi ang aktibidad ng deportasyon matapos ang nangyaring legal dispute sa pagitan Malaysia at mga eredero ng Sultanate ng Sulu simula noong 2019.
Ayon kay Ivan Eric Salvador, tagapagsalita ng Department of Social Welfare and Development Region-9 (DSWD-9), sa 800 deportees, 97 ay mga menor de edad.
Sa kasalukuyan aniya, sila’y pansamantalang nakisilong sa Processing Center for Displaced Persons, isa sa mga pasilidad ng DSWD-9, na nasa Barangay Mampang sa lunsod ng Zamboanga para na rin sa gagawing profiling.
Sa inisyal na profiling, napag-alaman na ang naturang mga deportees ay matagal nang nakulong sa Kota Kinabalu at Sandakan bago sa pinauwi sa Pilipinas ng pamahalaang Malaysia.
Karamihan sa mga deportees ay taga Mindanao, at ang iba naman ay taga Eastern at Central Visayas region.| ulat ni Lesty Cubol| RP1 Zamboanga Sibugay