Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila mandato ang pag-monitor ng mga indibidwal sa labas ng militar na may kaugnayan sa iligal na droga.
Ito ang inihayag ni AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad sa pulong-balitaan sa Camp Aguinaldo kahapon, kaugnay ng alegasyon ng dating Pangulong Duterte na alam ng militar ang tungkol sa umano’y paggamit ng iligal na droga ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa panig naman ni AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, kanyang binigyang-diin na ang concern ng AFP ay ang pagsasagawa ng regular na pag-check sa kanilang mga tauhan para masigurong drug-free ang militar.
Trabaho na aniya ng ibang ahensya tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pag-monitor sa mga nasa labas ng militar.
Giit pa ni Col. Padilla, non-partisan ang AFP at nananatiling tapat sa kanilang mandato na tapusin ang lokal na insurhensya upang mas matutukan ang panlabas na depensa ng bansa. | ulat ni Leo Sarne