Hindi ikinababahala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya ng mga barko ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Commodore Roy Vincent Trinidad sa kabila ng mga naitatalang insidente ng panggigipit ng mga barkong pandigma ng China sa mga barko ng Pilipinas sa tuwing magsasagawa ito ng re-supply mission.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ngayong araw, sinabi ni Trinidad na sapat naman ang mga Naval asset ng pamahalaan para magpatrolya at igiit ang soberanya nito sa nasabing karagatan.
Paliwanag pa niya, handang gumastos ang AFP para mapanatili ng external security ng Pilipinas at matiyak na malayo ito mula sa anumang tangkang pananakop ng ibang bansa.
Kasunod nito, muling iginiit ni Trinidad na ang West Philippine Sea ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at hindi nila kailangang humingi ng permiso sa alinmang bansa.
Si Trinidad ang itinalagang tagapagsalita ng Philippine Navy para sa usapin ng West Philippine Sea. | ulat ni Jaymark Dagala