Kapwa inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang buong katapatan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr bilang kanilang Commander-in-Chief.
Ito’y matapos kumalat sa social media ang video post ni retired Brigadier General Johnny Macanas Sr. na nagpahayag na umano ng suporta sina AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. at PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa tangkang destabilisasyon sa pamahalaan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gen. Brawner, mananatili ang kanilang katapatan sa Saligang Batas gayundin ang walang pasubaling pagganap sa kanilang mandato.
Tiniyak ng AFP sa mga Pilipino na patuloy silang magpapamalas ng pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo at kanila ring tutuparin ang sinumpaang pangako na maging tagapagtanggol ng soberanya at demokratikong prinsipyo.
Sa panig naman ng Pambansang Pulisya, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo na mananatili silang apolitical, intact, solido, at propesyonal.
Dagdag pa ni Fajardo, bagaman iginagalang nila ang kalayaan sa pamamahayag ng ilang mga retiradong heneral ng Militar at Pulisya hinggil sa mga usaping panlipunan, makabubuti aniyang huwag nang idamay dito ang kanilang hanay. | ulat ni Jaymark Dagala