Muling tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kanilang patuloy na itataguyod ang katatagan ng bansa at mananatiling tapat sa watawat gayundin sa saligang batas ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar kasunod ng muling paglutang ng mga ‘di umano’y tangkang distabilisasyon sa pamahalaan.
Ayon kay Aguilar, hindi dapat pagkatiwalaan ang mga nagpapakalat ng ganitong balita dahil hindi ito nakatutulong sa pag-usad ng isang umuunlad na bansa.
Bagaman may mga retiradong opisyal ng militar aniya ang naghahayag ng kanilang saloobin hinggil sa usapin, kanila naman itong iginagalang sa ngalan ng demokrasya.
Gayunman, nilinaw ni Aguilar na hindi ito sumasalamin sa paninindigan ng buong Sandatahang Lakas dahil hindi na sila konektado pa sa organisasyong kanilang dating kinaaniban.
Kaya naman umapela si Aguilar sa publiko na huwag maniniwala sa mga nagpapalutang o nagpapakalat ng gayung usapin, sa halip ay tulungan ang bansa na makamit nito ang layunin para sa mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala