Mariing hinimok ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na tiyakin ang maayos at agaran na pagbibigay ng back pay at benepisyo para sa higit 700 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa New Zealand.
Ayon sa senador, ayaw na nitong maulit ang naranasan ng 10,000 OFWs mula Saudi Arabia na hanggang ngayon ay naghihintay pa rin umano ng kanilang mga back wages mula pa noong 2015.
Ipinunto rin nito ang kahalagahan ng mga agarang interbensyon mula sa pamahalaan.
Nanawagan din ang senador sa DMW at DFA na i-represent ang mga OFW sa gobyerno ng New Zealand at sa kumpaniya ELE para mapabilis ang pagkuha ng mga ito ng financial entitlements.
Itinaas din ni Villanueva ang mga alalahanin hinggil sa kalagayan ng mga OFWs, tulad ng restriksyon sa visa, at kalagayan ng kanilang pamilya.
Maaalalang nawalan ng trabaho ang mga OFW matapos magsara ang kumpanya na kanilang pinapasukan dahil sa pagdedeklara nito ng bankruptcy.
Samantala, hinihimok din ng Senador ang proaktibong pagmamanman ng sitwasyon ng mga OFWs sa Port Moresby, sa Papua New Guinea, matapos ang mga ulat ng marahas na pang-atake roon, binigyang-diin rin nito ang pangangailangan ng agarang aksyon ng pamahalaan upang mapagaan ang kanilang kalagayan. | ulat EJ Lazaro