Nag-deploy ang Philippine Air Force (PAF) ng mga helicopter para tumulong sa pag-apula ng wildfire sa Itogon, Benguet.
Ayon kay PAF Public Affairs Office Chief Colonel Ma. Consuelo Castillo, nagtutulong-tulong ang mga kawani ng 505th Search and Rescue Group ng Philippine Air Force upang mapatay ang sunog, na nagsimula sa kabundukan ng Brgy. Dalupirip, Itogon, Benguet noong Sabado.
Gamit aniya ng mga ito ang dalawa nilang Super Huey helicopters na mayroong Bambi Bucket na nagsasagawa ng water drop sa kabundukan.
Hanggang kahapon, umaabot na sa 12 ektaryang lupain ang nasunog kung saan wala namang naitalang casualties.
Patuloy ding inaalam ng Bureau of Fire Protection kung ano ang mitsa ng nasabing wildfire. | ulat ni Leo Sarne
📸: PAF