Tinanggap na ng nag-iisang babaeng nanalo mula sa Ligao City, Albay ang mahigit P571.5M na premyo sa 6/58 ultra lotto ng Philippine Charity Sweepstake Office sa Mandaluyong City kahapon.
Sa inilabas na pahayag ng PCSO, inihayag mismo ng lone winner na totoo ang pagtataya sa lotto matapos nitong taamaan ang winning combination sa ginanap na draw nitong December 29.
Araw-araw aniyang tumataya sa Scratch It Games ang Albayanang nanalo sa loob ng apat na taon at pangalawang beses pa lamang nito na tumaya sa PCSO lotto draws gamit ang lucky pick betting system.
Inamin ng bettor na ang malaking premyo na inalok ng PCSO sa ilalim ng “Handog Pakabog” Christmas draw ang nagtulak sa kanya na subukan ang kanyang kapalaran sa 6/58 lottery.
Plano ng bagong multi-millionaire mula sa Albay na ilaan ang napanalunang premyo sa savings at magbigay sa ilang charity. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay