Mahigpit ng pinaghahandaan ng pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) ang posibleng epekto ng El Niño phenomenon sa anim na bayan sa lalawigan ng Pangasinan sa unang quarter ngayong taon.
Kabilang dito ang mga bayan ng Sta. Barbara, Mangaldan, Malasiqui, Rosales, Sto. Tomas at bayan ng Calasiao.
Sa isang panayam sinabi ni Engr. John Molano, Division Manager ng NIA Pangasinan, na sa ganitong panahon ay nararamdaman na umano ang El Niño dahil ang water level sa San Roque Dam ay mas mababa na ang level kaya talagang nararamdaman na ito lalo na ng ilang mga magsasaka.
Kaugnay nito ay nakaantabay ang NIA sa nasabing mga bayan.
Bilang paghahanda ng ahensya ay namamahagi din ang mga ito ng water pumps sa mga magsasaka upang mapatubigan ang kanilang mga sakahan.
Karamihan din umano sa mga sakahan na apekto ng naturang phenomenon ang taniman na nasa matataas o mga umaasa sa tubig ulan.
Pagtitiyak naman ng ahensya na tuloy tuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan NIA sa ilang ahensya ng gobyerno sa lalawigan gaya ng Department of Agriculture, PAG-ASA at San Roque Dam upang malaman pa Ang antas ng tubig sa naturang Dam upang matukoy ang gagawing hakbang sa patubig sa probinsya.
Una ng sinabi ng PAG-ASA na ang peak ng El Niño ay posibleng maranasan sa buwan ng Marso at Abril. | ulat ni Verna Beltran | RP1 Dagupan