Bumaba pa ang antas ng tubig sa Angat at Ipo Dam sa Luzon habang umiiral ang El Niño Phenomenon sa bansa.
Batay sa ulat ng PAGASA Hydrometeorology Division, nasa 211.55 meters na lang ang antas ng tubig sa Angat Dam o may kabawasan na .42 meters hanggang kaninang umaga.
Habang nasa 97.98 meters naman ang water elevation ng Ipo Dam, at ang La Mesa Dam ay may pagbaba na rin sa 78.89 meters.
Samantala, nanawagan sa publiko ang Manila Water na maging responsable sa paggamit ng tubig.
Sa panig ng Maynilad Water Services, nananatiling suspendido ang scheduled daily water service interruptions sa ilang bahagi ng Caloocan, Malabon, Manila, Navotas, Valenzuela at Quezon City.
Dahil sa El Niño na umiiral sa bansa, naging dahilan umano ito para mabawasan ang mga pag-ulan na makaka-replenish sana sa mga dam. | ulat ni Rey Ferrer